Sunday, March 9, 2014

TaLak: 24-hour Fun Run

Madaling Araw

Malamig na ang panahon sa Maynila, lalo na pag madaling araw, tulad ngayon. Pilit niyang itinayo ang katawan kahit ang sarap ng pagkakatihaya niya sa matigas na kama. Tumunog na ang kanyang alarm mga ilang minuto ang nakalipas at di kalauna'y tutunog ulit ito at makatikim na naman siya ng mura sa tatlo pa niyang kasama sa kwarto sa inuupahang apartment. Quirino Grandstand. Yan ang destinasyon niya ngayon. Isang linggo niya nang plinano ang warmup run na ito, at kailangang kailangan niyang makapag-stretch para sa takbo bukas. Mabilis niyang tinalon ang sahig mula sa second deck at inabot ang alarm clock bago iingay ulit. Alas kwatro kwatro, basa niya sa relo. Every five minutes pa naman ang setting ng alarm niya. Dali-dali niyang isinuot ang pocari sweat singlet at dahan-dahang lumabas.

Lakarin ko nalang kaya ang Quirino Grandstand, naisip ni Victor. At pinara ang padaang dyip sa may kanto. Bumaba sa may Rizal Park at nilakad ang ilang metro papuntang grandstand. Kani-kanina lang balak niyang tumakbo, ngayon "brisk walking na lang", kombinse niya sa sarili. Tama lang din naman na wag nang magpagod sa ngayon para kondisyon sa takbo kinabukasan.

Marami na ang mga naunang naglalakad, yong iba'y talak-talak ang ginagawa. Takbo-lakad, takbo-lakad. Habang ang iba’y tumatakbo nang mabilisan, maliliit ang hakbang, ang iba nama'y malakihan. May matanda, bata, at sobrang bata na tinutulak pa ng mga magulang sa strollers. Naiintindan niya ang pag-eehersisyo ng mga matatanda, malamang ayaw nilang mamatay sa sakit. Naiintindihan niyang tumatakbo ang mga binata at dalaga, dahil gusto nilang magpapapayat o mapapasexy. Kahit na yong ilan ay mukhang kalansay na sa kakatakbo ay inaraw-araw pa rin. Pero ang mga sobrang bata? Naka-stroller pa nga dahil hindi pa makalakad, e isinama pa sa pagtakbo. Hindi niya maintindihan ang mga magulang na ini-expose sa hamog ang mga anak.

Ayaw niyang ma-stress sa mga isyung ito kay binilisan niya ang lakad. Brisk walking nga e. Bukas na ang totoong takbuhan. Balak niyang takbuhin ang buong 21k course sa loob ng dalawang oras. Palagi lang siyang lumalampas sa dalawang oras sa kategoryang ito. Wala naman siyang balak talunin ang mga foreigners, lalo na ang mga Africanong sumasali at sila sila lang din ang nag-uunahan sa finish line. Ang importante sa kanya ay mapansin ng mga tao, lalo na ng mga kasabayan niyang tumakbo. Ibinaling niya ang pag-iisip sa gagawing gimik bukas. Yoong pansinin talaga.

Feeling ni Victor naka-ilang ikot na siya pero malamig pa rin ang dampi ng madaling araw sa kanyang braso at mukha. "Kailangan yatang itakbo ito", sabi niya sa sarili. Mas lalong nayanig ang katawan niya nung may mabilis na um-overtake sa kanya. Isang lalaki, may katangkaran, naka-running gear talaga. "Can afford! Grrr!" He shakes his body and sands his hands hoping it flickers some heat. Binilisan niya lalo ang paglalakad hanggang napansin niya na paikot at u-overtake na naman ang mama. Pinalampas niya ulit. This time he’s ready for the breeze he brings. He brushes his both hands rapidly on both shoulders. Ilang hakbang pa niya ay papalapit na naman ang lalaki. Lumingon siya at natigilan siya sa kagwapuhan nito. Tall, not-so-dark, but definitely handsome guy! Hindi sya pinansin nito pero nginitian niya. Actually, he smiles to no one in particular; his sweetest smile, matter-of-factly. Dito naramdaman niya na ang spark, nag-iinit na ang kanyang katawan. Kanina nagpi-freeze ang utak niya. Ngayon, aktibo na ito sa pag-iisip kung tatakbo siya para habulin ang lalaki. No, hindi habulin, sasabayan sa pacing ng kanyang takbo. O kaya’y maglalakad pa rin siya at aantayin niyang dadaanan ang gwapo ulit. Itinuloy niya ang paglalakad, looking over his shoulders so alert of the coming of the cute guy. Kaso nakaikot na siya ng 360 degrees pero wala nang paikot pang gwapo na inaabangan niya. Sayang! Sana sinabayan niya yon.

The eastern sun is peeking on the horizon now. Kaya napagdesisyonan niyang tapusin na ang paghihintay sa gwapong inasahan niyang iikot ulit. Tsaka tama na sa kanya ang hindi mabilang na ikot sa grandstand. Tumawid siya pabalik ng Rizal park. Sa kabilang dako ng park pa kasi ang sakayan ng jeep pauwi. Buhay na buhay na ang luneta, marami nang nagsidatingan. Mga estudyante na nakaunipormi; NSTP ang marka sa likod ng t-shirts nila. Magpapamilya, halos lahat may bitbit na baunan at banig. Sabado nga pala ngayon, naalala niya. Marami nang naglalako ng kung anu-ano. May balot pa nga kahit umaga na. Mas marami ang taho, nilagang saging, chicharon, mga kakanin, at iba pa. Ang ingay-ingay nila para bang makabinta sila kung mabubwisit ang nakikinig.

Malapit na siya sa sakayan nung napansin niyang pasalubong sa kanya ang nagbebenta ng balloons. Iba’t ibang kulay at hugis ang sumasayaw sa hangin hatak ng mama. Nabighani siya sa hugis Sponge Bob.

Umaga

Di ako masyadong kagandahan pero kailangan ako’y pansinin, bulong ni Edwin sa sarili.
Ang Runfest bukas ay isang malaking okasyon na dapat dadaluhan niya. Limang taon na siyang sumasali sa fun-runs at ang pagdiriwang ng ikalimang anibersaryo ng Takbo.ph ay marapat lamang na selebrasyon para rin sa kanya. Dati-rati siya ay miyembro rin ng talak pero ngayon balak niyang takbuhin ang buong rota ng dire-diretso. Dahil anibersaryo niya sa pagtatakbo kasabay ng Takbo.ph, naiisipan niyang magpagimik. “Yang kakaiba, yang napapansin ng lahat.” Mga hitsura ng mga photographers at video cameramen ay kumikinang sa kanyang isipan.

Tumakbo si Edwin ng sampung kilometro sa UP Oval nung miyerkules. Tamang preparasyon na yon para sa kanya, kaya pahinga na siya ngayon. Ganunpaman, bumangon pa rin siya ng maaga para pumunta ng Divisoria. Sabado ngayon kaya tiyak ma-traffic ang daan papunta doon. Alas sais pa lang pero dali-dali niyang hinatak ang tuwalya sa sampayan at pumasok sa banyo. Ilang buhos lang ng tubig nagsa-shampoo na agad siya. Ilang hagod lang ng labakarang may sabon sa katawan at nagbanlaw na agad siya. Sanay siya sa matagal na seremonyas sa pagligo, pinapabola ang sabon sa labakara bago ihahagod sa buong katawan. Pero ngayon, wag na muna at mahigit isang oras ang mabilisang byahe mula North Fairview patungong Divisoria. Lumabas ng banyo, pumasok ng kwarto, humatak ng nakalaylay na patig-colored cargo shorts at grey t-shirt mula sa malabundok na labahan. Di alintana ang kombinasyon ng kulay, di pinansin ang amoy ng ilang beses naisuot na mga damit. “Bukas na ako magpapa-impress. Bukas na ako magpapapansin.” Aniya sa sarili. Tama lang din tong cargo shorts kasi maraming bulsang mapaglagyan ng hinihiwa-hiwalay na sampung tigwa-100 na pera, lumang selpon, at susi sa bahay. Ok lang din ang gray t-shirt para mukha siyang mahirap. Isinuot na ang luma at mumurahing relo sa kaliwang kamay. Mahirap nang magpapapansin sa mga holdaper at isnatser sa Divisoria.

Alas syete na nung makalabas siya ng bahay, sulyap niya sa relo. “Biruin mo!” sumbat niya sa sarili. Dali-dali syang pumara ng tricycle palabas ng highway. Jeep lang siya ngayon all the way, nagtitipid e. Mapamahal siya sa Fx Taxi. Pambayad niya nalang sa bibilhin niya. May katagalan ang biyahe papuntang Morayta pero di niya alintana kasi maganda ang pagkaupo niya sa unahan, masarap pakinggan ang mga tugtog sa jeep kahit may kalakasan, at may hitsura ang batang driver. Pasulyap-sulyap si Edwin sa driver, pinapansin ang suot na shortpants, ang singsing sa hintuturo, ang suot na sando kung saan nasisilip ang mabuhok na kilikili. Kahit boses ng lalaki ay masarap sa pandinig niya sa tuwing nagtatanong saan hihinto ang nag-aabot ng bayad at nagtatawag ng nakaabang na mga pasahero. Pinipikit niya mga mata niya sa mga panahong napapansin ang kanyang mga sulyap. At para na rin namnamin ang mga imahe ng magandang katawan, magandang hitsura, at magandang boses ng katabing mamang, este totoy’ng, driver. May panghihinayang siyang bumaba sa Morayta pero saka na ang paglalandi, Divisoria ang pakay niya sa araw na to.

Mabilis nalang ang biyahe ni Edwin sa Divisoria. Halos isang kembot lang mula sakayan sa Morayta ay dadaanan na ng dyip na sinasakyan niya ang 168 Mall. Hindi pa nga siya nakabawi sa hingal nung umakyat at bumaba siya sa footbridge patawid sa kabilang kalye kung saan nakaparada ang dyip na may rotang Divisoria. Bumaba sa tapat ng mall at tumigil sa gitna ng kalye. Idiniin ang hintuturo sa baba at nag-isip. Ano nga bang gimik gagawin niya para mapansin bukas? Ano ang makikita at mabibili dito sa Divisoria? “Ay!” tili niya nung bumosena ang kotseng itim na nasa paanan na niya halos, “wig!” sigaw niya.

Tanghali

Akala ni Gerry nanaginip lang siya na tinatawag ng ina. Napadilat siya nung narinig ang, “Bakla!”, sigaw ni Mader Genara. “Mag-igib ka ng tubig sa baba para panglaba ko sa mga damit mo! Wala na namang tulo ang linya ng tubig dito sa compound mo!”, talak ng nanay niya.

Huwat? Walang tubig? Tamad na tamad siyang bumangon ng kama at lumabas ng kwarto. Lalo na ngayong walang tubig. Hindi siya makaligo. Ibig sabihin makakansela lakad niya sa araw na to. Mas mabuti pang bumalik sa pagtulog. Akyat baba siya mga maraming beses bitbit ang dalawang puting balde. Mas ok na ang mag-igib kesa maglaba. Buti at andito nanay niya para sabon lang gastos niya kesa magpalaba sa labas.

Magtatanghali na nung natapos ng nanay ni Gerry ang paglalaba. Noon pa rin natigil ang pag-iigib niya. Ngayon nag-iinit na ang katawan niya, pawisan, at wala nang posibilidad bumalik sa higaan. Mamaya nalang, sabi niya sa sarili. Plano niyang maagang matulog dahil maaga pa ang gising niya. Malapit lang sa bahay nila ang D’Fort pero kailangan pa ring maging maaga bukas para makapag-stretching siya ng maigi bago ang gun start. Binuksan ang TV at bumagsak na paupo sa sofa. Hinayaan ang nanay na nagkanda-ugaga sa pagsampay at mamaya-maya ay magluluto na ng pananghalian. Paminsan-minsan lang din naman luluwas ng Maynila si mader galing Pampanga, kaya hindi siya papansinin nun kung paupo-upo lang.

“Hala!” biglang gulat niya sa sarili.

“Susmarya! Ano? Bakit?” gulat din ng ina niya. Di niya naalalang nasa kusina na pala ang ina. E malaking mama itong si Gerry, may katangkaran pa, kaya malaki rin ang boses. Di mo akalaing bakla.

“ Wala! May naalala lang ako. Yong susuotin kong wig bukas sa takbo.”

“Putres ka! E ano ngayon?” tanong ng ina.

“Pano ako makakaalis para bumili, e walang tubig.”

“E anong konek sa wig at tubig?” May pinagmanahan pala itong si Gerry, bakla ring magtanong itong si Mader Genara.

“Yoko ngang lumabas ng bahay ng di nakaligo. Pinawisan kaya ako sa kaka-igib.”

Dumaan ang ilang sandali. “So?” diin ng ina. Di niya nasagot ang tanong na ito. Di nya nga maisip bakit so ang tanong. Ay oo nga nu? Natauhan siya. So, ano ang gimik niya bukas sa takbo para mapansin siya? Kilalang kilala siya sa pagsusuot ng headdress o afro-wig o visor na may nakasabit na bulaklak. Pano ngayon na hindi siya makakabili ng panibagong wig? Ayaw niya ring ulitin ang nasuot nang wigs o headdresses o visor kasi nakikita na ito sa mga photos ng mga nakalipas na fun-runs. Dapat siyang magpapakita ng kakaibang papatok sa takbuhang ito lalo na’t anibersaryo ng Takbo.ph. Alam niyang pumapatok ang mga dating gimik niya dahil madami siyang nakikitang kuha ng mga photographers. Nagkalat ito sa Facebook at Takbo.ph websites. Dapat yong kakaiba! Baon niya ang paalalang ito sa hapagkainan.

“Alis na ako mamayang alas kwatro,” paalam ng ina matapos nilang kumain. Formal ang pagpapaalam ni mader, paparinig kumbaga sa kay Gerry, at alam niya kung ano yon.

“Nakapagligpit ka na ba?” tanong niya. Hindi hinintay ang sagot, tumayo at pumasok sa kwarto. Inulit ang tanong nung bumalik at inabot ang limang libo sa ina.

“Oo, ka ko! Tumango ako kanina pero tumalikod ka na.”

“Aw, sori!”

“Salamat nito, anak!” The mother tiptoes and kisses the son on the right cheek. He responds with a smile. 

“Syanga pala, kasama sa mga isinampay ko ang isang puting daster ko,” habol ng ina bago siya tumalikod.

“Hmm. Ok. Ako bahala.”

Hapon

Gustong-gustong humiga at matulog ni Victor pagdating niya ng boarding house. Napagod siya sa kakaikot sa Quirino Grandstand at mas lalong napagot siya sa lakad na ginawa niya mula luneta park pauwi sa Paco, Manila. Sinadya niyang lakarin ang kabuuang rota habang hatak-hatak sa ulunan ang Sponge Bob balloon. Itinali niya ito sa kaliwang manggas ng suot na singlet. Sinubukan niya ang ganitong pagpapapansin bilang preparasyon para sa napag-isipang gimik bukas. Tagumpay siya, pakiramdam niya, dahil lahat ng taong nadaanan niya, kahit ang mga nagtitinda sa gilid ng daan ay napatingin sa kanya at sa wumawagayway na balloon.

Ngayong nakaligo na at nakaupo na sa gilid ng kama bitbit ang tanghaliang binili sa baba para kumain, ramdam na ramdam niya ang pagod at antok habang sumusubo ng kanin at kumakagat ng ulam. Ramdam niya ang sarap ng kama kahit matigas ito. Sa muli naalala na naman ang planong bumili ng kutson na hanggang ngayon di pa rin naisakatuparan. Magda-dalawang linggo palang ang paglipat niya rito. Binilisan niya ang paglamon sa kinakaing rice toppings na siomai ang ulam. May masarap pa rin ang nakagawian niyang bilhin sa Master Siomai. Napilitan siyang bilhin ito kay Aleng Minda na kabitbahay niya dahil pinansin nito ang kanyang gimik. “Ganda ‘te? Totoo?” kinompirma niya sa matanda.

Tumayo siya nang maisubo ang huling dampot ng kanin at kapirasong kagat na siomai. Wag nang matulog muna, antayin daw niya ang alas sais ng gabi. Tumungo siya sa sala at tumabi sa kasambahay para manood ng Showtime. Patapos na rin pala ang programa. Drama-rama sa hapon nalang, basta lang maaliw ang mata.
***
Nagpapaalam na sina Vice Ganda at ibang hosts ng Showtime nung sumilip si Edwin sa sala. Kararating lang niya galing Divisoria na puno ng pawis. Nakasimangot na dahil ramdam niya ang lagkit ng katawan. Naamoy na nga niya ang sarili.

“Kumain ka na,” sabi ni Betty, “nasa ref ang ulam.”

“Mamaya na, ligo muna,” sagot niya sa ina, inabot ang kamay nito at nagmano.

“Ano yang bitbit mo? Saan ka ba galing?”

“Wala. Props lang para bukas,” inangat niya ang bitbit na plastic at eye-level at tumungo sa kanyang kwarto.

"Sus, ang arte mo talaga Kuya! Wig na naman? Ang dami mo ng wigs ah?" singit ng kapatid na babae.

"Wis na magkoment!" Tumalikod at tumungo sa kwarto.

Bigla niyang naramdaman ang kirot sa sikmura habang hinuhubad pinagpawisang t-shirt. Gutom na gutom na siya. Kanina pa siya nakaramdam ng gutom pero hinahabol niya ang trapik. Dapat maunahan niya ito. Sa kasawiang palad, siya ang nahabol ng trapik sa kahabaan ng Quezon Ave. Buwisit na buwisit siya kaya mas lalong pinawisan kahit aircon ang sinakyang Fx Taxi. Pero maya na ang lamunan, naisip niya habang Ngayon, nakmabuti na ang pakiramdam, malinis na ang pakiramdam, maliban sa gutom na naramdaman.

Labis ang saya ni Edwin nung nakita ang mga nakaayos na tupperwares punong-puno ng ulam at naka-organize sa loob ng ref. Excited siyang matikman ang sarap ng weekend recipes ng ina. Magaling magluto ito kaso weekends niya lang magagawa dahil sa trabahong bumabyahe sa buong bansa. Binuksan niya ang isang container at inamoy ang pork estroganoff. Hmm. Swak ito sa plano niyang carbo-loading. Binktbit niya pati yong naglalaman ng ginataang tulingan. Dinamihan niya ang pagsandok ng kanin at umupo na naka-angat ang kanang paa sa katabing silya.
***
Mag-aalas kwatro na nung mapansin ni Gerry ang wall clock. Naaliw sila ng ina niya sa panonood ng drama-rama sa hapon. Oras na para ihatid ang ina sa sakayan ng bus. "Magti-tshirt lang ako Ma," paalam niya sa inang kasama niyang nanood ng tv sa sala. Tumayo siya mula sa masarap na pagkakasandal sa sofa. Lumabas ng kwarto na nakasuot ng Earth Day Run singlet. "Gora na mader."

Pinapalakad ang ina. Bitbit niya ang brown secosana bag at paperbag na may tatak jag habang nakabuntot ang mader. Meron namang dumadaang dyip sa tinitirhang Bliss, pero malapit lang para sumakay pa. Alam niyang kaya ng ina ang lakad lalo na ang paakyat sa Guadalupe patungong edsa. Gustohin man ni Gerry ang kasabay ang ina pero sobrang kitid ng daan patungong bus stop dahil sa nagsisiksikang sidewalk vendors ng plastik na tsinelas at sapatos, sinturon na iisa ang disenyo pero iba-iba ang kulay, may mga nagmistulang balat na wallet. Lahat ng ito ay nakalapag sa gilid ng daan. Nahalata niyang may motif ang bentahan ngayon; puro accessories. Maliban sa mainstay na mga pirated dvds na ang pinakamaraming display ay pornography. Minsan nga dito siya bumibili ng m2m. May napansin siyang bago at nakaka intriga sa display pero nilampasan niya muna. Papasakayin muna ang ina. "Ma, bilis!"

Pumara ng bus A at inalalayang umakyat ang ina. "Ingat kayo, ha?" bilin nito. Umikot ang ina para halikan sana ang anak pero tumalikod na si Gerry. Atat na atat nang matingnan ang bagong displayng porn dvds. Tama itong pampalipas oras at nang mapagod para makatulog ng maaga.

Gabi

Isinalang ni Gerry ang biniling DVD. Napagdesisyonang niyang James Bond movie ang panoorin ngayon. Panglimang beses na niyang pinanood ang Skyfall, paborito niyang ulit-ulitin ang pelikula. Pangatlong DVD na niya ito dahil hindi pa rin naisuli ang pinahiram niya sa dalawang kaibigan. In fairness, mas maliwanag ang kopya nung sinubulang ng mamang sidewalk vendor, kaya ipinagpalit niya ito sa M2M na maganda lang ang cover, hindi naman yuon ang nai-play. Doon siya nagtagal, mga isang oras yata siya pagkatapos makasakay ng bus si Mader Genara. Halos naubos niyang subukang i-play ang lahat ng bagong M2M DVDs sa kariton.
Habang lumalabas ang prologue, which actually ay memorized na niya, naghanda na siya ng pagkain. Pinosisyon ang pagkaupo na nakaharap sa tv at inumpisahan ang pagsubo ng pagkain nang nakakamay. Tumunog ang katabing cellphone, pinindot ito gamit ang nakatalikod na nakatuping kalingkingan. Si mader niya ang nagtext, nasa Tarlac na daw ito at nakasakay nang tricycle papasok sa kanilang lugar. Ipinagpatuloy ang pannunuod habang sumisubo ng pagkain. Mamaya nalang niya sagutin ang mensahe ng ina.
***
“Kumakain ka na naman?” tanong ni Grach, “baka maubusan kami ng ulam, ha?” banta nito.
“No worries, Sis, kanin ang dadamihan ko. Tsaka echosera ka ha? Madami kayang niluto si Mommy,” sagot ni Edwin.
“Talaga lang ha? At an gaga pa, alas sais pa kaya! Kala ko talaga tumatakbo ka para sumexy, tapos ngayon ang lakas naming kumain.”
“Atribida ka talaga Gracia!” Inirapan ang kapatid na agad naming tumalikod na nakaismid. “Para may marami akong energy sa takbo bukas nu?” pasigaw niyang sagot para marinig ng isa.
Lampas 6pm na nga. Dapat makapaghanda na siya ng mga gamit para sa takbo kinabukasan. Dapat maiyos niya na sa upuan sa gilid ng kama ang mga susuoting cargo pants, pambyaheng t-shirt, medyas, bonnet. Ang rubber shoes ay dapat handa na rin sa likod ng pintuan palabas ng bahay. O sa ilalim ng kama na rin kaya? Wag, magagalit si mommy kung maapakan ang floor tiles ng mga sinusuot sa labas.
Isinubo ang natirang pagkain sa plato, ininom ang nakatimplang milo, uminom ng tubig at binitbit ang pinagkainan sa lababo. Nang makapaghugas ng kamay gamit an ala-victoria secret na hand soap, mabango kasi, tumungo sa kwarto. Bahala na ang huling kakain ang maghugas ng pinagkainan niya. Hinalungkat ang mga souvenir at tote bags at inangat ang lahat para pumili. Sa kahulihulihan ang school backpack ang piniling lagyan ng mga gamit na bibitbitin sa takbo.
***
Mabuti at natiis ni Victor ang antok sa panonood ng tv. Umabot pa siya ng showbiz talkshow bago nagdesisyong bumaba para bumili ng hapunan. Alam niyang kaya niyang ubusin ngayong gabi ang dalawat kalahating kanin na inulaman ng tatlong tuhog ng chicken barbeque. Dumiretso ng kwarto bitbit ang kanyang pinggan. Sa kwarto siya kasi kumakain dahil nahiya siyang kumaing mag isa sa dining table, lalo na ngayong maaga syang maghahapunan. Tamang tama dahil pumasok na sa kani kanilang trabaho ang mga kasamang call center agents. Magiging mahimbing ang tulog niya ngayon. Pero bago yan, dinampot niya ang envelope na naglalaman ng singlet, bib number at race instruction at ipinasok sa bag. Inabot niya ang plastic ware na naglalaman ng kanyang mga underwears, pumili ng pulang brief at itim na medyas, at ipinasok din sa bag ang mga ito. Dumungaw sa ilalim ng lower deck para i-check ang nakahandang sapatos.
Isinara ang backpack at inilapag sa sahig katabi ng kama. “Ay, wait!” nagmamadali itong lumabas at tumungo ng kusina. Bago niya pala makalimutan, dapat may mabaon siyang plastik, apat na piraso bilang niya, para lagayan ng mga basing damit pagkatapos ng takbo.
Kumbinsidong naisayos na ang lahat, kinuha niya ang alarm clock. Alas otso na, tambad nito. Sinet sa alas dos at ibinalik sa lagayang corner table. Sa baba nalang kaya hihiga, naisip niya. Pero wag baka maamoy siya ni Jeffrey bukas, wala pa naman siyang balak maligo ngayong gabi. Inayos ang bed at umakyat ng upper deck.
Madaling Araw

Halos magkasabay ng tunog ang tatlong alarm clocks, segundo lang ang agwat. Nagsitayuan sina Victor, Edwin at Gerry.

Hinatak ang tuwalya na nakasampay sa upuan at pumasok si Gerry ng sariling banyo.

Lumabas ng kwarto si Edwin, dumaan muna ng ref para uminom sana ng tubig. Sobrang malamig na ang mga nasa loob kaya bumaling sa lababo, nagsahod ng tubig sa gripo at ininom. Naghilamos ng tatlong beses, hinintay maalis ang anghang ng mata, at pumasok ng banyo.
Nangangapang bumaba ng katre si Victor. Pilit niyang buksan ang halos dumikit na mga mata. Kailangan lang to ng hilamos, mas lalo na ang makaligo, naisip niya. Sinaklay sa kanang balikat ang tuwalya, lumabas ng kwarto at tinungo ang banyo. Naghilamos. “Waaah, ang lamig!” Mas lalong naramdamang ang anghang ng mga mata niya. Pano siya maliligo nito? Naitanong niya sa sarili. Naisip niyang magpakulo ng tubig pero wala naman siyang naiambag sa pambili ng LPG kaya wala siyang karapatang gumamit ng stove.
Sinungkit ang tuwalya sa sampayan malapit sa common banyo, binuksan ang ilaw at pumasok dito. Di na nagpatumpik-tumpik pa at nagsaboy agad ng tubig sa katawan gamit ang sariling pulang tabo. “Grrr!” tahimik na sigaw niya. Nag-shampoo ng buhok, nag-sabon sa buong katawan, nagbanlaw at nag-toothbrush. “Bilis!” utos niya sa sarili, nagligpit ng mga gamit at bumalik ng kwarto.
***
Halos magkasabay ang dating ng tatlo, minu-minuto lang ang pagitan.
Tatlong beses ang sakay ni Victor mula sa Taft Avenue. Dagdag na warm-up din yong paglakad niya galing sa inuupahang bahay patungong Taft. Sumakay ng dyip papuntang Buendia, lumipat ng bus papuntang Guadalupe, at sumakay ng isa pang dyip patungong Market Market. Naglakad na naman siya patungong assembly area.
Nakadalawang sakay naman si Edwin mula sa Fairview. Ang bus ride ang pinakamahaba, kaya nagtaxi na siya pagdating ng Guadalupe papuntang assembly area. Pagbaba ng sasakyan, tumungo sa parking area, naghanap ng pwesto. May napansin siyang isang tao sa may gilid ng parking area, tumabi dito at nagbihis ng singlet. 

Isinusuot ang kabilang calf guard sa kanang paa nung napansin niyang may tumabi sa kanya. Mas lalong uminit pakiramdam ni Gerry sa pag-aayos ng kasuotan. Nilakad niya kasi ang assembly area galing compound nila. Sanay na siya sa ganito, kahit alas dos ng madaling araw, kasi maliwanag naman ang daan papasok ng The Fort. Mas dumagdag sa excitement ngayong may tumabi sa kanyang katunggali. Naikabit na niya ang bib number nung may isa pang tumabi sa kanila.
Naiganyo si Victor na dito na rin umupo sa tabi ng dalawang nagbibihis na racers. Binuksan ang backpack at inilapag ang lahat ng gamit sa sementadong sahig. Patapos na ang dalawa kaya dali-dali niyang isinuot ang black sweatshirt, ipinatong ang singlet, at ikinabit ang bib number sa harap nito.
***
Di kalauna'y tumugtog ng masayang musika ang sound system sa bandang entablado. Hudyat ito ng 3:30am na assembly time para sa mga tatakbo ng 21k run. Sabay ang tayo ng tatlo at nilisan ang gilid ng parking area na pinagbihisan patungong baggage counter. Si Gerry ang naunang nakapag-abot ng backpack, habang nakapila sa likod nito sina Victor at Edwin. Nabakante ang isa pang usherette kaya iniwan ang pila at lumipat si Edwin. Bumuo ito ng isa pang pila dahil maraming sumunod sa ginawa niya. 

Kanya kanya silang may bitbit pang pirasong gamit pagkatapos iwanan ang mga backpacks. Pumasok ng palikuran si Gerry, habang dumiretso sa harap ng starting line si Edwin, at si Victor ay sumabay sa pag-eehersisyo sa bandang likuran ng pila ng mga runners. 
***
Nag-umpisa ang programa sa isang panalangin, pag-awit ng Lupang Hinirang, at nang isang talumpati ng bumubuo ng Takbo.ph. Sumunod ang maikling ehersisyo na pinangungunahan ng may kagandahang Lady Coach galing ng Crazy Curves. Sinundan ito ng pagbabasa ng di nila matatandaang pangalan ng isang DJ sa mga pangalan ng kalye na direksyon ng 21-km na takbo ngayon umaga. Bilin pa nito, "Good luck runners... Run safely in ten, nine, eight, seven, six, five, four, three, two." 

"Bang!" putok ng baril.

Kanya-kanyang takbuhan ang nasa unahan, mga katabi ni Victor. Ganunpaman, naisip niyang magdahan-dahan muna at dahil inaayos pa niya ang pagkasabit ng Spongebob balloon sa kanang shoulder strap ng singlet niya. At nang biglang may nag-overtake sa kanyang naka-afro wig.

Dahil nasa likurang bahagi ng pila si Victor, naglalakad muna siya sabay ng iba pang runners pagkatapos ng hudyat ng gunstart. Sabay nito, isinusuot niya ang napiling Afro-wig na nagtataglay ng iskandalusong kulay rainbow; matitingkad ang neon green, dilaw, tangerine, at pula. Nung lumuwag na at pwedeng ng tumakbo, nag-sprint siya nang bonggang-bongga. "It is time to shine!" sabi nito sa sarili, "tatalbugan ko 'tong nagbibitbit ng Spongebob balloon", sabay inunahan niya ito.

Sa may bandang unahan, animoy lolang nakawala sa kulungan itong si Gerry. Palagi siyang nakasama sa unang sampong nakatapos ng 21-race course kaya aasahang mamamayagpag na naman ito sa takbuhan ngayon. At isa pang nagpapagana sa kanya ay ang adhikaing makapasok sa top 3 sa men's division at top 1 sa age bracket division. Maraming papremyo ang inihanda ng Takbo.ph sa ikalimang anibersaryo nila. Sabay ng hingal niya ay ang mahahabang lukso at hakbang, habang wumawagayway ang puting daster ng nanay nito.

Papapunta pa lang sina Victor at Edwin sa unang U-turn, napansin nilang pabalik na itong mga foreigners. Mas nairita sila nung napansing may mga pinoy rin, at ang nangunguna rito ay isang nakadaster na puti. "Siya yong katabi ko sa parking area kanina. Bakla rin kaya siya?" tanong ni Victor sa sarili. "Kainis naman itong baklang ito. Naungusan na ako sa takbohan, tinalbogan pa gimik ko!" sumbat ni Edwin sa sarili.

Umaga

Inumaga sila sa kakatakbo.

Basang-basa sa magkahalong pawis at tubig ng Maynilad ang daster ni Gerry, lalo na nung dumaan siya sa fountain section sa ika-kinseng kilometro. Madaming siyang pictures dun, dahil ilan lang silang nasa unahan, kombinse niya sa sarili. Ngayon ay papalapit na siya sa finish line. Tanggap niya na ang pagkatalo dahil may limang Africano na ang nasa unahan. Ganunpaman, umaasa siyang magbigay ng ibang papremyo ang Takbo.ph para sa mga nangungunang Pinoy runners.

Kaya pang tapusin sa loob ng dalawang oras ang 21k run na ito, kombinse ni Edwin sa sarili niya. Palagi siyang lagpas dalawang oras mga takbo niya noon. Ngayon dapat matiis niya ang sakit ng paa. Tama na ang mga ilang metrong lakad na nagawa niya lalo na doon sa may bandang Kalayaan Flyover. Lumipas na ang isang oras at kalahati, pero kakalagpas niya lang ng fountain section kung saan maraming clicks ng camera ang narinig niya. Tama na siguro yon sa publicity stunt niya, dahil nangangati na pisngi niya at nag-iinit lalo ulo niya dahil sa suot na wig. Napagdesisyonan niyang sabayan ng isang mabilis na hakbang at lukso ang bawat kati na mararamdaman sa pingi at ulo.

Maraming naiisip na dahilan si Victor kung bakit mahina ang enerhiya niya sa takbo ngayon, kung bakit mabagal ang pacing niya, at kung bakit madali siyang mapagod, kaya marami siyang lakad ngayon. Talaga ngang TaLak ang nagawa niya, Takbo kung, tapos Lakad na naman. Di kasi siya nakapag preparatory runs ng maayos... Di kasi siya nakaligo ngayon umaga... Mabigat pala ang takbo kung may nakasabit na balloon... Naisip niya nang tanggalin at paliparin nalang si Spongebob nung napansin niya ang fountain sa unahan. Maraming nakapwestong cameramen sa paligid nito at karamihan sa napadaang runners ay humhinto at pumuposing. Magandang pagkakataon ito para sa isang magandang pictorials niya na habang tumatakbo ay may lumilipad na balloon sa uluhan niya. Hindi niya tiningnan lahat ng cameras pero marami siyang narinig na clicks. "Wag nalang munang tanggalin si Spongebob," napagdesisyonan niya. Baka kasi meron pa sa ibang sections sa unahan.

***

Natapos ni Gerry ang buong kahabaan ng race course sa loob ng isang oras at labing pitong minuto. Pang labing 12 siya sa maagang nakatapos. Nagulat siya nung pagkatapos siyang sabitan ng finisher's medal ay isinama siya ng usherette sa isang kiosk at pinaupo.

Masaya si Edwin nung natapos niya ang katapusang kilometro sa oras na 2:04:01. Pilit niya mang gusto ang dalawang oras lamang pero sapat na rin ang performance na ito para sa kanya. Yumoko siya para maisabit ang finisher's medal ng isang usherette. Nabigla siyang nung inimbitahang umupo sa isang kiosk. Napansin niyang nakaupo na rin sa isang silya ang nakaputing daster, nakasandal sa poste at nakapikit ang mata.

Hinabol ni Victor sa isang mahabang sprint ang dalawang oras at limampong minuto na bilang sa orasan na nakakabit sa arko ng finish line. Hindi man siya kontento sa kanyang performance ngayon pero ok na rin, sa susunod na takbo nalang siya babawi. Sa halip masaya siya at nakakabit pa rin sa singlet niya ang Spongebob balloon at lumilipad pa sa hangin. "Diretso po tayo, Sir, sa may kiosk doon," sabi ng usherette sa kanya nang maisabit ang finisher's medal sa leeg nito. Gulat siya nung napansin niyang nakaupo doon ang nakaputing daster at ang naka-afrowig runners nakasandal sa kanya-kanyang poste. Pumwesto siya sa isa pang poste at umupo.

"Ready guys?" tanong ng isang malamang organizer. Para saan? sabay na tanong sa kani-kanilang sarili. At bigla tinatawag ang kanilang bib numbers at mga pangalan, "Gerry Quiban, Edwin Umapas, and Victor Ortiz, come up on stage. Ladies and gentlemen, a round of applause for our Takbo mascots!" Binigyan sila ng kanya-kanyang trophy na kulay pula, certificate na di pa alam ang nakasulat dito, tote bag na may laman dahil may kabigatan pero di pa nila alam kung anu-ano.

Pagkatapos ng pictorials ay nagkakamayan sila at nagpapakilala sa isa't isa. Kapwa silang natawa tatlo dahil nakompirma nilang pareho silang bakla, pareho silang nangarap mapansin sa takbuhang ito, at pareho silang hindi umasang ma-recognize ng pormal. "Nasulit din ang bente-kwatrong preparasyon!" sabi nina Gerry, Edwin, at Victor. Sabay tawa nila.

No comments:

Post a Comment