Tuesday, August 28, 2012

Ang Pagtanda Ay ‘Di Biro

Nabulabog ang umaga ko sa sigawan sa labas ng apartment ko. Akala ko kung sino kaaway ng isang ina dun sa may emergency exit. Lakas ng boses niya, naka-speaker phone din ang kausap niya. Nanghihingi siya ng tulong sa kanyang anak, pera pangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan. Wala daw pambigay ang anak. Kung saan-saan na daw siya sumaklolo, nahihiya na siya sa mga tinutuluyan niya, hindi na daw siya makakagalaw kasi wala siyang pera, wala din siyang mapapasukang trabaho.


Gusto niyang makituluyan sa anak niyang kausap niya sa telepono kaso pinagpalit daw siya sa katulong nito. Sinisiraan daw siya sa katulong, kung anu-ano ang sinusumbong sa amo nitong anak niya. "Paalisin mo yang katulong mo at pabalikin mo ako dyaan!" sigaw niya. Galit ito sa halip na magmamakaawa. Binalewala lang ng anak ang mga reklamo, hiling, galit, sigaw, pagmamakaawa ng ina.

Ang gulo, ang ingay! Paulit-ulit ang mga sinasabi, paikot-ikot ang usapan. Lahat ng narinig ko galing sa speaker phone ay puro wala, puro hindi... wala daw siyang magawa... wala siyang maibigay na pera, wala siyang maitutulong, wala siyang pakialam.

Palagi akong pinaalalahanan ng mga kakilala ko, pati mga magulang ko, na dapat magkaroon ng pamilya, mag-asawa at magka-anak. Ito daw ay kasiguruhan sa pagtanda ko dahil may kukupkop, may aaruga, may mag-aalaga, may tutulong, may matutuluyan, may gagastos. Isang kasinungalingan! Isang maling akala! Isang malaking kamalian!

Sa narinig ko sa araw na ito, napatunayan na hindi mo masisiguro, hindi maasahan, hindi seguridad sa iyong pagtanda ang pagkakaroon ng anak o pamilya. Hindi mo rin pwedeng singilin ang mga anak mo sa haba ng panahon na pinagpuyatan, pinagpawisan, pinagkakagastusan mo ang pagpapalaki, pagpapa-aral sa kanila. Dahil unang una, responsibilidad ng magulang ang itaguyod ang paglaki, pag-aaral, pagkatao ng bawat anak.

Naawa man ako sa inang mangiyak-ngiyak sa pamimilit sa kanyang anak na suportahan siya, pero naiinis din sa babaeng ito na hindi pinaghandaan ang pagtanda niya. Sa palagay ko hindi dahil masamang ina siya, o nagkulang siya sa kanyang anak, kundi dahil ang anak niya’y may sariling pamilya, may sariling responsibilidad, may sariling problema o kagipitan sa pera, may sariling plano sa buhay. Na ang pagkupkop sa ina ay isang dagdag gastusin, dagdag pakainin, dagdag aakuin. Na hindi naman mauutusan sa gawaing bahay, hindi madidiktahan sa kung anong gustong gawin, hindi pwedeng sitahin o kontrolin.

Alam kong mahirap magsabi ng tapos, pero ang alam ko ay hindi pagbubuo ng isang pamilya ang kasigurohan ng hinaharap, sa pagtanda ng isang tao. Kundi ang pagsasaayos ng mga bagay na kakailanganin sa pagtanda, tulad ng pagtayo ng sariling bahay, pag-iipon para may pambayad sa caregiver, pagtayo ng pangmatagalang negosyo, pamumuhunan para sa retirement pension at memorial plan. O di kaya paghahain ng petition patungkol sa voluntary euthanasia.

Ito lang ang masasabi ko:
Wala kang ibang pwedeng maasahan kundi sarili mo lang!

No comments:

Post a Comment